White Lady sa Balete Drive

Marahil halos lahat ng taxi driver sa Lungsod ng Maynila, may kahit isang kuwentong maibabahagi sa kanyang mga pasahero tungkol sa kababalaghang bumabalot sa kalsadang Balete Drive. Noong 1950’s pa lamang, nagsimula nang maging popular ang mga kwentong katatakutan tungkol sa kalsadang ito. Sa tagal ng panahong nananatiling umiikot at kumakalat ang mga kwento, natural lamang siguro na nagkaroon na ng iba’t ibang bersyon ang istorya, ngunit sa dami ng mga magkakaibang bersyon at haka-haka, posible pa kayang matuklasan kung saan talaga nagmula ang mga nakakatakot na kwentong ito?

Popular na kuwento ng Balete Drive ang tungkol sa sinasabing ”White Lady” na nagmumulto raw dito. Ayon sa mga karaniwang salaysay, lalo na mula sa mga taxi driver tulad ni G. Roger Molawan, madalas raw nagpapakita ang ”White Lady” kapag pumapasada ang isang taxi na walang pasahero sa gitna ng gabi. Ayon kay Molawan, nakita na raw niya ang multong ito at umupo pa raw sa likod ng taxi niya. Sa lahat ng mga kwento, ang nagmumulto ay isang babaeng nakaputi. Ayon sa ilan, madilim raw ang kanyang mukha at bigla na lamang sumusulpot sa likod ng taxi. Sa ibang mga kwento naman, maganda ang mukha ng babae. Pinapara pa raw niya minsan ang kotse at nagkukuwento tungkol sa kanyang buhay pag-ibig at pagkatapos ay bigla na lamang mawawala. Sabi nila, dating estudyante ang babe ng UP na ginahasa at pinatay ng isang taxi driver habang pauwi mula eskuwela. Sabi naman ng iba, ginahasa raw siya noong panahon pa ng mga Hapon. Sa kasalukuyan ay walang mga historikal na dokumento o opisyal na ebidensyang magpapatunay sa alin man dito. Marami pang ibang kwento tungkol sa ”White Lady” ng Balete Drive. Ang ilan nga ay may kasama pang mga detalye tungkol sa mga haunted house at mga parte ng kalsadang hindi natatapos. Bawat taxi driver marahil, at may sariling bersyon ang bawat pasahero.

Ngunit saan nga ba nagsimula ang mga nakakikilabot na kuwento tungkol sa tanyag na kalsadang ito? Sa artikulo nina De Vera at Luci, natutukoy na ayon sa ilan, nagsimula ang mga istorya ng kababalaghan tungkol sa Balete Drive noong panahon ng 1950’s. Batay sa mga sabi-sabi, sa loob raw ng dekadang iyon, may mamamahayag na nagsulat ng isang pekeng kuwento tungkol sa “White Lady” na nagmumulto sa Balete Drive. Ang kuwento raw na ito ay nailimbag sa isang ‘di napangalanang pahayagan at doon na nagsimula ang pagkalat ng isang maituturing na “urban legend.”[1]

Ayon naman sa isa pang teorya galing sa mga haka-haka, ang mga kwento raw tungkol sa Balete Drive ay sadyang inimbento lamang noong 1950’s para sa proyektong tesis ng isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang tesis o pagaaral raw na ito, alinsunod sa mga sabi-sabi, ay isinagawa upang maimbestigahan kung gaano kabilis maaaring maglakbay ang isang piraso ng tsismis. Sa aking personal na pananaliksik, tila wala namang ebidensyang tekstual na makakapagsabing may katotohanan ang teroyang ito.

Sa dami ng mga pinagpasa-pasahang kuwento tungkol sa mga kababalaghang bumabalot sa Balete Drive, at sa dami ng bersyon ng mga istoryang ito, tunay na napakahirap nang alamin kung saan at kailan nagsimula ang mga ito.[2]Dahil na rin sa kakulangan ng mga tekstual na ebidensya tulad ng mga dokumentong historikal, hindi rin madaling tiyakin yung may katotohanan nga ba ang mga kababalaghang tinutukoy natin.[3]

Sa tradisyon ng mga sinaunang kwentong bayan, ang mga kwento ng Balete Drive ay kumalat na sa buong Kamaynilaan at higit pa. Naipapasa na rin ang mga kwentong ito sa bawat henerasyon, lalo’t higit sa mga henerasyong tubong lungsod. Oo nga’t mahirap pasyahan ang pagkatotoo ng mga white lady at haunted house na ’di umano’y matatagpuan sa kalsadang natutukoy. Ngunit, peke man o hindi, tunay namang nakadadagdag ng kulay ang mga kababalaghan ng Balete Drive sa kulturang lungsod ng Maynila.

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

www.000webhost.com