Lalaki sa San Roque Village

Lumipat kami ng kaibigan ko sa isang apartment sa San Roque Village. Una, dahil mura ang renta at pangalawa, malapit sa pinagta-trabahuan naming dalawa.

Ang kaibigan kong si Leo ay nakasanayan ng magjogging tuwing alas-kuwatro ng madaling araw sa paikot na kalye ng village. Rason niya ay para presko daw sa pakiramdam kapag pumasok na kami ng alas-otso. Hindi naman daw delikado dahil may mga security guards naman.

Tatlong linggo ang nakalipas, napansin kong pumapayat si Leo. Siguro dahil sa nagja-jogging ito araw-araw. Dahil medyo tumataba na ako, naisipan kong sumabay sa kanya magjogging.

Lunes. Alas-kuwatro ng madaling araw. Lumabas kami ni Leo ng apartment at nag-inat para daw hindi sumakit ang katawan namin.

Makalipas ang ilang minuto, nagsimula na kaming mag-jog. Habang tumatakbo ng mabagal, sinabi ni Leo na may madadaanan daw kaming isang kalye na medyo may kadiliman. Wag daw ako matakot kasi hindi naman delikado.

Nang malapit na kami sa kalyeng sinasabi nya na medyo may kadiliman, tumakbo ng mabilis ang loko at iniwan ako. Sinadya nya talaga akong takutin kasi alam nyang matatakutin ako. Nagkataon pang wala akong nakikitang ibang nagja-jogging.

Tumuloy ako sa pagtakbo mag-isa palapit sa madilim na kalye. Hindi ko na din nakikita si Leo. Sa isip ko, bibilisan ko nalang para makalampas kaagad.

Nang nasa madilim na kalye na ako, naramdaman kong may sumusunod sa akin na tumatakbo rin. Medyo kinabahan ako kasi wala naman akong nakita kanina sa likuran ko.

Kinilabutan na ako ng maramdaman kong nasa tabi ko na sya. Dahil madilim pa rin, di ko sya nakikita. Sa isip ko, kung multo ito, mahihimatay ako.

Nang malapit na kami sa medyo maliwanag na bahagi ng kalye, halos magkadikit na kami ng nagja-jogging. Lalaking naka-green na kasing tangkad ko lang din. Medyo nawala ang kaba ko nung nakita kong jogger din pala.

Pero nung tiningnan ko yung paa nya, taena, muntik na akong himatayin. Hindi sumasayad sa lupa yung mga paa nya.

Nanginig ako at halos hindi na makatakbo. Pakiramdam ko, nawala lahat ng dugo sa katawan ko.

Tumingin ang lalaki sa akin. At dito na ako bumagsak sa takot. Biyak ang kanang bahagi ng ulo nito at parehong butas ang mga mata.

Dumilim nalang ang paningin ko ng sinabi ng multo sa akin na “sa susunod ulit.”

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

www.000webhost.com